Sunday, July 23, 2006

Kontramapa

Ni Dennis Andrew S. Aguinaldo




Sa unang tingin, metikulosong ehersisyo ang Sa mga Suso ng Liwanag sa pagmamapa ng kultura ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Banos, partikular ang mundo ng mga guro at estudyante sa Departamento ng Humanidades. Sa mapang ito, matutukoy ang gatuldok na halaga ng buhay sa pagitan ng mga nagkukurus na linya ng espiritu at ideyolohiya, kurbada ng erotisismo at kamatayan, at higit sa lahat sa mga mabibigat na interes at mga responsibilidad na papel ang gaan. Sa simula pa lamang, nailugar na ang lahat ng elementong sisikil sa posibilidad ng isang awtentiko at mapagpalayang buhay sa makulay ngunit depinidong leyenda ng kapangyarihan.




Ngunit hindi rin kaya isa itong kontramapa? Mapang papel rin ang ginagamit, naratibo laban sa naratibong nagtatago sa pangalang “opisyal na kasaysayan”? Kung babasahin ang “kasaysayan,” may mga may kaso ng harasment na pinagle-“lay-low,” pinagpapasa ng leave sa halip na masuspinde. Kung opisyal na kasaysayan ang sangguni, walang binugbog ang pulis na aktibista, dahil nasagasaan siya ng pulis at sila pa nga ang nagdala sa kanya sa ospital. Opisyal. At kung may opsiyal na kasaysayan, wala rito ang mga pangalan ng pulis, dahil wala silang nametag nang binugbog nila ang babaeng agad na dinala ng kanyang mga kasama sa infirmary at nilipat sa UP-PGH. Nagsolisit pa kami kahit barya-barya para sa isang estudyanteng hindi naman daw totoong tao, o kung tao man, hindi estudyante, at kung estudyante man, dati lang kaso hindi na dahil pangit ang pakita sa klaskard, pero bakit pa? Hindi naman siya nabugbog hanggang mawalan ng malay at hindi sa kamay ng mga pulis ng UPLB na, kung tao man sila, wala nama silang pangalan.




Matatagpuan sa maikling nobelang ito, sa aking palagay, ang tapang at imahinasyon na kailangan upang makarating ang mga kasapi ng komunidad sa mas malayang pag-iisip at pagkilos. Marami nang nakakilala sa halaga ng maliliit at minamaliit na komunidad bilang situs ng mga lokal na punyaging pangkamalayan. Kabilang na rito sina Foucault, sa teorya, at si Rizal, sa praktis niya sa Dapitan. Kung tutuusin, ang dalawang halimbawang ito ay lagpas pa sa parating binabanggit ngayon na “grassroots” dahil sang-ayon sa ganitong balangkas, hindi lang damo ang inaasahan kundi ang pamumulaklak ng kaunti o marami – sapagkat hindi lamang bilang ang mahalaga! – na malalayang isip.



Narito ang hakbang ni U Z. Eliserio tungo sa kanyang pananaw ng pagkamakatao at demokratiko. Binabasag niya ang mga lumang bato. Sa pamamagitan ng mapaglaro at nakadadalang lengguwahe at istorya, maaaninag ng mambabasa sa likod ng mga hinampo at hinaing ng U na tauhan ang mga hangarin para sa komunidad ng U na may-akda.

No comments: