(Kung paano bumuwag ng taboo sa kapuri-puring paraan)
Ni Dr. Rosario Cruz Lucero
Para sa mga kritiko, kapuri-puri ang estilo ni Edgardo M. Reyes sa nobelang Sa mga Kuko ng Liwanag. Pagtitimpi ng emosyon, pagtitipid ng salita, at kongkretong paglalarawan ng tagpuan ang karaniwang mga katangian ng nobelang ito na binabanggit bilang halimbawa.
Hindi nakakapagtaka na ginamit na pangunahing alusyon ni U para sa kanyang nobeleta ang pamagat ng nobelang ito ni Reyes. Tulad ni Reyes, na naghawan ng landas sa tradisyong pampanitikan sa paglikha ng makabagong uri ng realismo, maraming inobasyon ang nililikha ni U sa kaniyang mga kuwento, at ngayon naman sa kanyang nobeleta.
Una na ay ang kanyang paggamit ng ironya. Sa nobeleta niyang ito, hindi lamang ironiko ang pananaw ni U sa buhay-Pilipino, na ang mikrokosmo ay ang UP, kundi carnivalesque pa nga, na ibig sabihin ay dobleng ironya, o kabaligtaran sa loob ng kabaligtaran. Halimbawa, napansin agad ni nareytor, na nagngangalan ding U, na may tatlong mali sa pagpasok niya sa AVR klasrum sa unang araw ng semestre: una, may aircon; pangalawa, tahimik ang mga estudyante; at pangatlo, may ilang estudyanteng nagdarasal na pinamumunuan ng isang miembro ng Coalition of the Followers of Christ. Dahil dobleng ironiko ang pananaw ni U sa mga normal na sitwasyon, lalo kung ito’y matatagpuan sa UP, agad niyang ibubunyag ang malagim na dahilan sa abnormal normalcy ng sitwasyong ito: tulala ang mga estudyante dahil, unang araw ng semestre pa lamang ay may pinatay nang estudyante. Dagdag pa, di lamang umaandar ang aircon, napakalamig pa nga ng buga nito, ngunit pagka nanigas ka na sa lamig ay hindi mo mapahinaan, dahil wala pala ang knob ng temperature control.
Sa kanyang nobelang Sa mga Kuko, binuwag ni Ed Reyes ang taboo sa paglalarawan ng mga maselang eksena, tulad ng panggagahasa o pagseserbis ng mga puta sa bahay-parausan, sa pamamagitan ng magaling na paggamit ng monologo at daloy ng kamalayan. Sa kanyang nobela, hinayaan niyang ikuwento ni Ligaya agn mga pang-aabusong dinanas sa kamay ng amo nito, upang si Ligaya na rin mismo ang kusang pumili ng mga salitang sekswal na gagamitin sa kaniyang pagkukuwento.
Sa kanyang nobeleta nama’y itinutuloy ni U ang nasimulan ni Reyes sa higit na marahas na paggamit ng mga salitang kasalukuyang taboo. Maaari lumikha ng debate itong proyekto ni U ukol sa katanungang: kailan masasabing hindi porno ang isang akda, kahit na may mga eksena itong maaaring gamitin para sa isang akdang porno? Basahin ninyo ang nobeleta ni U upang makilahok sa debateng ito. Sa ganang akin ay may katuwiran ang paggamit ni U ng mga eksena ng graphic sex at mga salitang taboo. Ano sa palagay ninyo?
Higit sa lahat ay humahanga ako sa matagumpay na paghuli ni U sa anyong nobeleta, isang alanganing anyong hindi maikling kuwento ngunit kailangang sumunod sa mga kumbensyon ng maikling kuwento, at hindi nobela ngunit kailangang tumaglay ng ideolohiya o tema na maaaring nobela lamang ang sumaklaw. Sa kaniyang nobeleta ay nagsasalikop ang iba’t ibang banghay: nariyan ang suliranin ng dalawang magkasintahang nagbabalak magpaabort, nariyan ang paninikil sa mga empleyadong nakapaloob sa istruktura ng UP, nariyan ang misteryo ng pagpatay sa estudyante. Ngunit napagkaisa ni U ang mga paksang ito sa loob ng istruktura ng isang maikling kuwento.
Samakatuwid ay maaaring basahin ang nobeletang ito bilang isang whodunit, bilang isang love story na hindi para sa mga inosenteng bata, bilang katawa-tawang satiriko, at bilang alegorya ng lipunan sa ating postmodernistang panahon.
Monday, July 24, 2006
Sunday, July 23, 2006
Kontramapa
Ni Dennis Andrew S. Aguinaldo
Sa unang tingin, metikulosong ehersisyo ang Sa mga Suso ng Liwanag sa pagmamapa ng kultura ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Banos, partikular ang mundo ng mga guro at estudyante sa Departamento ng Humanidades. Sa mapang ito, matutukoy ang gatuldok na halaga ng buhay sa pagitan ng mga nagkukurus na linya ng espiritu at ideyolohiya, kurbada ng erotisismo at kamatayan, at higit sa lahat sa mga mabibigat na interes at mga responsibilidad na papel ang gaan. Sa simula pa lamang, nailugar na ang lahat ng elementong sisikil sa posibilidad ng isang awtentiko at mapagpalayang buhay sa makulay ngunit depinidong leyenda ng kapangyarihan.
Ngunit hindi rin kaya isa itong kontramapa? Mapang papel rin ang ginagamit, naratibo laban sa naratibong nagtatago sa pangalang “opisyal na kasaysayan”? Kung babasahin ang “kasaysayan,” may mga may kaso ng harasment na pinagle-“lay-low,” pinagpapasa ng leave sa halip na masuspinde. Kung opisyal na kasaysayan ang sangguni, walang binugbog ang pulis na aktibista, dahil nasagasaan siya ng pulis at sila pa nga ang nagdala sa kanya sa ospital. Opisyal. At kung may opsiyal na kasaysayan, wala rito ang mga pangalan ng pulis, dahil wala silang nametag nang binugbog nila ang babaeng agad na dinala ng kanyang mga kasama sa infirmary at nilipat sa UP-PGH. Nagsolisit pa kami kahit barya-barya para sa isang estudyanteng hindi naman daw totoong tao, o kung tao man, hindi estudyante, at kung estudyante man, dati lang kaso hindi na dahil pangit ang pakita sa klaskard, pero bakit pa? Hindi naman siya nabugbog hanggang mawalan ng malay at hindi sa kamay ng mga pulis ng UPLB na, kung tao man sila, wala nama silang pangalan.
Matatagpuan sa maikling nobelang ito, sa aking palagay, ang tapang at imahinasyon na kailangan upang makarating ang mga kasapi ng komunidad sa mas malayang pag-iisip at pagkilos. Marami nang nakakilala sa halaga ng maliliit at minamaliit na komunidad bilang situs ng mga lokal na punyaging pangkamalayan. Kabilang na rito sina Foucault, sa teorya, at si Rizal, sa praktis niya sa Dapitan. Kung tutuusin, ang dalawang halimbawang ito ay lagpas pa sa parating binabanggit ngayon na “grassroots” dahil sang-ayon sa ganitong balangkas, hindi lang damo ang inaasahan kundi ang pamumulaklak ng kaunti o marami – sapagkat hindi lamang bilang ang mahalaga! – na malalayang isip.
Narito ang hakbang ni U Z. Eliserio tungo sa kanyang pananaw ng pagkamakatao at demokratiko. Binabasag niya ang mga lumang bato. Sa pamamagitan ng mapaglaro at nakadadalang lengguwahe at istorya, maaaninag ng mambabasa sa likod ng mga hinampo at hinaing ng U na tauhan ang mga hangarin para sa komunidad ng U na may-akda.

Subscribe to:
Posts (Atom)