Nobeleta ni U Z. Eliserio

View this page on Unicode (UTF-8)

07/23/06
07/24/06
07/25/06

____________

[Home]

[Stories]



 

Tuesday, July 25, 2006

Excerpt mula sa Sa mga Suso ng Liwanag
Ni U Z. Eliserio




Tatlo agad ang napansin kong mali sa AVR-7 pagkapasok ko pa lang. Una, may aircon. Malamig na malamig, para akong sinabuyan ng malayelong tubig pagkabukas ko pa lang ng pinto. Pangalawa, tahimik ang mga estudyante. At sa silya sa likod ng mesa kung saan ako uupo, nakaupo ang isa sa mga pinakapaborito kong estudyante. Si Pomelo Chua, naging estudyante ko sa Humanidades nung unang taon n'ya, isa sa mga comm arts junior na junior standing na talaga. Nagdadasal s'ya. Bagaman magkaibigan kami, hindi ko napigilan ang kanyang pagsali sa Coalition of the Followers of Christ. Sa hinuha ko, dahil sa kanya kaya tahimik ang mga orc kong estudyante.




May ilan nga sa kanilang nagdadasal din.




"Pom? Pom-pom? Chua!" Isa s'ya sa iilang estudyanteng first name basis ko. Mas maganda kasing apelyido ang tawagan, para walang mag-iisip na mabait ako. "Chua! Chua!"




Hindi s'ya natinag. Para bang kausap talaga n'ya si Kristo. Napansin na ako ng kanyang mga kaklase, nagsimula nang magkwentuhan ang mga ito. Lumapit ako sa mesa at ibinalibag ang aking backpack. "Chua!"




Napatayo s'ya sa bigla. "Sir? Sir! Magdasal po tayo! Unang araw ng klase, may namatay na estudyante!"




Na naman? Kada semestre mula nang nagtrabaho ako sa LB may namamatay na estudyante. Madalas dahil sa frat, pero meron isang beses nawala sa Makiling. "Kaibigan mo? Kaklase? Kakilala?"



"Hindi po sir."




"Alam mo ang pangalan?" Syempre ayokong namamatayan ng estudyante, kahit siningko ko, o binagsak ako sa student evaluation.




"Hindi pa po. Kakatext pa lang sa akin ni Susie. Eng'g daw po sir..."




"Myembro ng CFC?"




"Hindi po. Kung CFC kilala ko dapat."




"E bakit parang pasan mo ang daigdig e wala ka naman palang koneksyon sa kung sinong damuho ang namatay? Hindi man lang Comm Arts." Sa totoo lang, merong ilang comm arts major na...




"Kailangan po ba kakilala? Estudyante po 'yun. Dapat, ipagdasal natin!"



"Umupo ka na Pom. Kundi, kakailanganin mong magdasal para di kita alisin sa class list ko."



Inirapan ako nito, pero sumunod naman sa utos. Kahit na Kristyano, maangas pa rin.




"Yellow pad nga. At 'yung mga nasa likod, lapit kayo." Manhid na ang mukha ko dahil sa aircon. Tinungo ko ang makina para hinaan ang buga. Sa malapit, nalaman kong wala itong control panel. Tuloy pa rin sa kwentuhan ang aking mga estudyante. "Hindi ba kayo nanlalamig?"




Tatlo ang humindi. Dedma ako sa iba. Si Pom-pom umirap ulit.




"This guy's in love with you, pare." Mensahe. Nilabas ko ang aking selepono. Galing kay Aiko. Hindi ko binasa, pero hindi ko binura. Ibinulsa ko lang agad ang selepono. "Hatiin sa gitna 'yung yellow pad, pangalan sa kaliwa, kanan student number."




Tumingin ako sa blackboard. Whiteboard ito. Sa LB may libreng isang whiteboard marker kadagitna ng semestre na tatlong araw ang itinatagal. Boyscout hanggang highschool, wala akong reserba. Para nang nirarayuma sa lamig, nagdesisyon akong tapusin na ang klase. "Sige, unang araw naman. Sa Miyerkules na lang ulit." Natapos ang kanilang kwentuhan at nagsiayos na sila ng bag, may ilang tumayo na. "May assignment."



Pwera kay Pom lahat sila napasigaw ng: "Ha?" Alam kong walang kwenta, pero tinuloy ko pa rin. "Icomputer n'yo, isang pahina lang. Listahan ng sampung paborito n'yong libro. H'wag na kayong pumasok sa Miyerkules kung hindi n'yo dala. 'Yung nakapirma na sa yellow pad pwede nang umalis."




Parang rumaragasang hukbo ng orc, nag-unahan sila sa pinto. Sinabayan ako ni Pom palabas.



Naghiwalay kami sa Hum steps. "Sir, pag nalaman n'yo na kung sino 'yung namatay, kahit hindi n'yo kilala, tawagin n'yo ako. Ipagdasal po natin s'ya." Lumarga na s'ya papuntang kantina, at ako'y bumalik sa dept.



Kung saan, nalaman ko pagdating sa front desk, sa wakas may ilaw na. "Nagklase ka ng unang araw?" nakangiting sabi sa akin ni Tita Dairy.




"Opo. Sayang ang pera ng mga bata." Bata, jusko, tumatanda na yata ako. Sabagay... Pagkagradweyt, graduate studies ako agad, para makapagturo sa kolehiyo. Dito ang unang trabaho ko, sa ikalawang semestre ng aking MA. Ngayon, tisis na lang ako. Malapit na akong magbeinte kwatro.




Sa loob, wala si Zsazsa. May note sa aking mesa, lumabas lang daw s'ya, inihatid ang kanyang tatay sa grocery, dala-dala si TC. "Sorry, hapunan na lang."




Bahala s'ya. Si Aiko ang hapunan ko mamaya.




Sa rocking chair ako ni Zsazsa umupo. Hindi tulad sa impyernong AVR-7, banayad lang ang lamig ng aircon sa dept. Tumingin ako sa kisame, walang nakitang butiki. Lampas alas diyes na pero ako pa rin ang tanging tao sa dept. Inisip ko kung hihintayin ko si Zsazsa, hahanapin ko si Diana, o hindi na lang magtatanghalian at didiretso sa apartment ko.




Binasa ko na lang ang text ni Aiko. Tama ang aking hinala.




Jusko.




Tinext ko s'ya.



Ibinalik ko ang mga libro sa mesa sa aking backpack. Karga ang dalawang bag nilisan ko ang Departamento ng Humanidades. Sa tapat ng NCAS dumadaan ang mga jeepney na dadalhin ako sa bukana ng Demarses. Sa Sta. Ana Dorm meron akong kwarto at banyo. Nandun na si Aiko. May susi s'ya. Dapat, huling taon na n'ya 'to sa kolehiyo. Dapat, maglaLAE s'ya sa Diliman. Dapat, mag-aaral na s'yang maging abogado. Dapat, tutulungan ko s'ya.




Titi ng Ama.




Titi ng Ama, nakabuntis ako ng estudyante.

posted at 1:44 PM